Isang nakabibinging ugong ang nagpagising sa akin. Araw-araw naman ay ang ugong ng tren ang aking nagsisilbing alarm clock. Kapag narinig ko na ito, ibig sabihin ay alas-seis na ng umaga. Ganyan ako kaagang nagigising. Kailangan eh. Kailangang magtrabaho. Kailangang kumayod. Pero ‘di na kailangang mag-aral.
Kinse anyos na ako. Dapat ay estudyante pero isang tagalako ng sampagita. Dapat nasa eskwelahan pero nasa mga kalsada. Hanggang grade 5 lang ang natapos ko. Ni hindi man natuloy hanggang grade 6 para kahit papaano ay masabi naming may natapos ako kahit elementarya lang. Sabi kasi ni Inay ay ‘di naman kailangan makatapos. Hindi naman daw talaga iyon kailangan para umasenso. Sa karanasan lang daw nagkakatalo. May kilala nga daw siyang isang mayamang tao na hindi man nakapagtapos pero umasenso. Sabi ko naman sa loob-loob ko, “tinulad pa ako!” Nayayamot ako dahil puro na lang ‘abilidad’ ang naririnig ko mula kay Inay.
Bumaba na ako sa makipot naming bahay. Dalawang palapag nga ngunit parang pinitpit na lata kung titgnan. Diyan ako lumaki. Squatter ng Tondo. Malapit sa riles ng tren. Home da riles nga kumbaga. At kailangan ko nang magmadali. Baka maubusan pa ako ng sampagita at ‘di na ako mabigyan ni Aling Timing. Sa kanya kami kumukuha ng mga nilalako naming tinda. At ako ang pinakamatanda sa lahat ng mga nagsa-sampagita. Pero sa bahay ay ako ang pinakabunso. Masasabi ngang ako ang pinakabata sa pamilya ngunit ako naman ang bumubuhay sa kanilang mga batugan. ‘Di miminsan na akong nagtangkang lumayas. Sawang-sawa na kasi ako. Pero kahit ganun, dinadala pa rin ako ng mga paa ko pabalik sa aming barong-barong.
Ako na pala ang huling kukuha ng mga paninda. Isang matamis na ngiti ang binigay ko kay Aling Timing nang kunin ko sa kanya ang mga sampagita. Ganundin ang nagging tugon niya at nagbilin pa sa akin. Siya ang kinikilala kong pangalawang ina. Isa siyang dating guro sa isang mataas na paaralan sa aming lugar pero naalis ang lisensya nang siya ay sumali sa isang malawakang protesta laban sa pamamalakad ng paaralan. Minsan ay nabanggit niya ito sa akin. At kapag may natitira pang oras ay tinuturuan niya ako ng kaunti. Wala na kasi siyang pamilya at nag-iisa na sa buhay. Ang tangi na lang nakapagpapasaya sa kanya ay ang paggawa ng mga sampagita.
Ilang minuto ang lumipas at nasa lansangan na ako. Isa ako sa mga tinatawag ng mga nakakaangat sa amin na ‘nakikipagpatintero sa mga sasakyan’. Pero anong magagawa ko? Ito lang ang alam kong hanapbuhay para mabuhay ko ang aming pamilya. Anong buhay naman ito?
“Ale! Mama! Bili na po kayo! Bagong pitas ang mga ito! Singko pesos lang po! Ale! Salamat po!”
Araw-araw ay ‘yan ang lagi kong sinisigaw, ang lagi kong sinasabi sa bawat taong nagdaraan. Nauubos na ang boses ko, natutuyo na ang lalamunan ko. Kailan ba ako titigil sa ganitong klaseng pamumuhay?
Alas-dose na ng tanghali. Gutom na ako. Pumunta ako sa isang sulok ng kalye. Kinain ko ang isang siopao na ibinigay sa akin ng isang mabuting lalaki kanina. Pantulak na lang ang hahanapin ko. Sa isang banda ay nakakita ako ng gripo. Halos ubos na ang mga paninda ko. Maaga-aga yata akong makakauwi. Buti naman at makakapagpahinga na rin ako. Wala na ring masasabi ang pamilya. Sapat na siguro ang sakripisyo ko.
Sa wakas at naubos na rin ang mga sampagita ko. Ala-una pasado pa lang. Marami-rami rin ang kita, P205. Nang pagkaabot k okay Aling Timing ang aking bayad ay tinanggihan niya ako. Hindi na rin ako nagpumilit pa dahil kailangan ko rin kasi. Pagkatapos kong nagpasalamat ay dumiretso na ako ng uwi. Nang inabot ko kay inay ang pera ay wala man lang akong narinig na konting usal ng pasasalamat. Ano pa nga bang inaasahan ko?
Mga alas-singko y media na nang makarinig kami ng mga nag-aaway. Dalawang lalaki ata. Kasunod noon ay mga putok ng baril ang pumailanlang sa ere. Sunud-sunod. Hiyawan ang mga tao sa labas. Bigla na lamang akong nakadama ng mainit sa kaliwang dibdib ko. Masakit. Biglang nagdilim ang aking paningin. Unti-unti’y kusang sumara ang mga talukap ng aking mga mata. Tapos wala na akong maalala.
“Anak, gumising ka!”
“Pangako, maghahanap na ako ng trabaho bunso!”
“Kafatid, gising sabi diyan eh!”
“Anak, pangako patatapusin na kita ng elementarya.”
Mga boses at mga salitang nakapagpagising sa akin. Unti-unti kong minulat ang aking mga mata. Una’y nasilaw ako ngunit unti-unti ding nabuo ang mga taong nakapalibot sa akin. Kumirot ang kaliwang dibdib ko. Pero kahit na masakit ay kitang-kita ko ang mga luhaan at nag-aalalang mukha ng pamilya ko. Nang biglang sa wari ko’y unti-unting sumisikip ang dibdib ko. Hindi na ako makahinga. Hanggang sa tuluyan nang nakakasilaw na puti na lang ang nakikita ko. Sobrang liwanag pero nakakagaan ng pakiramdam. Wala na ang sakit na nararamdaman ko kanina. Kaginhawaan. At bigla ko na lang naisip, langit na ba ito? Siguro’y oo. Agad kong natanggap. Para kasing doon ko lang madarama ang kapanatagan ng loob. Walang iniisip na anumang suliranin. Napag-isip-isip ko, tapos na yata ang misyon ko sa mundo. Hanggang doon na lang siguro ako. Tama na.
07.07.05
Edited
Edited
No comments:
Post a Comment