Pages

Sunday, May 16, 2010

Kapag sigurong wala kang alam tungkol  sa buhay, mawawalan din ng pakialam ang buhay sa’yo. Hindi  mo damang nabubuhay ka. Hindi mo damang may kabuluhan ang buhay. Kalian ka mabubuhay? Kailan magkakaroon ng kabuluhan? Matagal ko nang hinihintay mabuhay. Hindi lamang humihinga kundi nabubuhay. Matagal ko nang hinihintay na magkaroon ng dahilan ang buhay. Ang magkaroon ng pakialam ang buhay sa akin. Kaya naman nang dumating siya, kay saya. Sa unang pagkakataon sa buhay ko nabuhay ako. Nabuhayan ako ng loob na nagkakaroon na ng pakialam ang mundo sa akin. Na magkakaroon na akong silbi sa buhay na binigay sa akin.

Hindi ko natatandaan kung paano ako napadpad sa lugar kung saan ko siya nakita. Iniisip ko lang kung paanong mabuhay habang naglalakad sa kalyeng puno ng taong umaasam ding mabuhay. May dala siyang bulaklak. Isang tangkay ng lily. Hindi ko pa noon nalalaman kung para saan ang bulaklak o kung para kanino. Tangan-tangan lang niya, pinakatitigan ito. Hindi bagay sa kanya na may dalang bulaklak. Para sa isang rakistang tulad niya, parang hindi nababagay sa kanya ang pagiging romantiko. Hindi ko pa noon nalalamang sa kabila nang pormang iyon, isa lang din siyang katulad ko. Nangangarap din siya ng buhay, ngunit hindi para sa sarili. Matagal na itong namatay pagkatapos lumisan ang ina.

Hindi ko siya nilapitan noong araw na iyon. Pinagmasdan ko lang siya. Hawak ang bulaklak na iyon, tinatanaw nito ang kahabaan ng kalye na para bang nagtataka kung hanggang saan ang layo nito. Kung may hangganan nga ba ito. Maaari ring hinahalintulad nito ang buhay sa kalyeng yun. Mahaba, walang hanggan. Pero may hahadlang para maabot ang dulo. Kung saan lang ang kayang lakarin ay doon lang. At gaya ng mga taong nasa kalye, ganoon din karami ang mga taong lalampasan mo. Mahaba man, paminsan ay kailangan ding huminto para makilala ang mga taong nakakasalubong mo.

Paano ko ito nalaman? Sinabi niya sa akin. Araw-araw ko siyang pinagmamasdan sa kalyeng iyon. Araw-araw akong bumabalik sa lugar na iyon sa parehong oras. At parehong eksena lang din ang nakikita ko. Hinihintay kong ring umalis siya. Umaalis lang siya kapag wala nang tao sa kalye. Maliban ako na nagkukubli sa isang poste. Bago siya lumilisan, pakakatitigan muna niya ang hangganan ng kalye kung saan wala nang bahid ng mga tao. Iniisip niya marahil na ganoon talaga ang buhay. Minsan aabot ka rin sa puntong mawawala ang lahat sa’yo. Ang pinakamadilim na parte ng buhay mo.

Paano ko ito nalaman? Sinabi niya sa akin. Ang pinakamalungkot na bahagi ng buhay niya ay katulad ng madilim at walang taong kalye na iyon. Mahaba, nakakatakot. Hindi man niya sabihin alam kong natatakot siyang pagtalikod niya at pagbalik niya ganoon pa rin ang nararamdaman niya.

Pero isang araw nagbago ang lahat. Dahil nagkaroon na ako ng lakas ng loob na lapitan siya. Nagulat ito dahil sa tagal-tagal ba naman ng pagpunta niya sa lugar na iyon, ngayon pa lang may pumansin sa kanya. Hindi niya masisi ang mga tao. Pag minsan talaga wala silang pakialam sa paligid. Niyaya ko siyang magkape sa may malapit. Noong una ay ayaw nito. Hindi pa tapos ang gabi. Hindi pa umaalis ang mga tao. Hindi pa madilim. Hindi pa siya nag-iisa. Pero may sinabi akong nagpabago ng isip niya. “Hindi lahat ng tao gaya ng iniisip mo. Hindi lahat ng iniisip mo sa buhay ay totoo. May taong papansin sa’yo kahit gaano pa kagulo ang buhay mo. Kahit hindi pa kalmado ang lahat sa buhay mo. Mayroong magliligtas sa’yo at iaalis ka sa kaguluhan ng buhay. At sabay ninyong mapagtatantong sa buhay na nagpupumilit kang makatakas, mayroong taong magbibigay sa’yo nang rasong manatili. Kahit gaano pa kabagsik ng mundo sa’yo.”

Hindi man siya naging madali noong una, sa bawat araw na nagdadaan natulungan namin ang isa’t isa. Sino ba namang mag-aakalang ang dalawang taong naghahanap ng kabuluhan ng buhay ay magtatagpo. Minsan ang tadhana talaga ay mapagbiro. Isipin mo na lang na may magandang plano sa buhay mo. Mabubuhay ka ulit. Kasama mong mabubuhay ang mahal mo. Ang kahulugan ng lahat-lahat sa buhay mo. At sino ka para magreklamo? Ito ang nararapat sa’yo.  Mabubuhay ka rin sa paraang gusto mo, kasama ang taong minamahal mo.

No comments: