Pages

Tuesday, October 13, 2009

hindi nila alam kahit ako

wala kahit sino man ang makakaintindi ng nararamdaman ko dahil kahit ang mismo ang sarili ko ay di ko maintindihan. maraming mga bagay ang sa tingin ko ay kulang sa aking pagkatao. marami akong gustong makita, maramdaman at makuha. pero sadyang ang mga bagay-bagay sa aking kapaligiran ang siyang mismong pumipigil na gawin ko ang mga bagay na gusto ko. sinasabi ng karamihan, "walang dapat makapipigil sa'yo kung talagang nanaisin mo." pero hindi ba kalabisan naman kung iisipin mo lang ang 'yong sarili? paano ang pamilya mo? paano ang mga kaibigan mo? paano ang lahat ng mga taong nagmamahal sa'yo?

hindi madaling hanapin ang mga bagay na nawawala sa buhay mo. marami kang matatapakan. marami kang masasaktan. at hindi malayong pati ang sarili mo ay magdusa dahil ang inaakala mong dapat mong ginagawa ay hindi naman kailangan para sa paglaya ng 'yong sarili.

iniisip ko madalas, bakit ang lupit ng tadhana? sa dinarami-rami ng pwedeng maranasan bakit ang buhay na 'to ang siyang napunta sa'kin? matagal na akong di kontento sa anong mayroon ako. marahil 'yon ang dahilan kung bakit nalulumbay pa rin ako. kung bakit hanggang ngayon ay di pa rin ako maligaya.

hindi ko kayang lumayo upang hanapin ang nawawala. ngunit sa wari ko'y unti-unti ko ng nalilimot kung sino ba talaga ako. gustong-gusto kong hanapin ang mga nawawala at ang mga bagay na sa wari ko'y akin dapat. ngunit ipinapahiwatig ng pagkakataon na hindi pa ito ang takdang panahon. kailan naman kaya, kung ganoon?

sawang-sawa na akong maghintay. subalit para bang iyon lamang ang dapat. marahil ay kailangan ko lamang matutong maging pasensiyosa. siguro ay darating din 'yon. huwag ko lamang pagtuunan ng panahon, dadap na 'yun sa aking mga palad.

No comments: