Sana scripted na lang ang buhay. ‘Yun bang alam mo na kung ano ang sasabihin mo, ikikilos mo, kanino mo sasabihin at kung anong emosyon ba dapat ang ipakita mo. Sana pelikula na lang ang buhay. ‘Yun bang may director na sasabihan ka kung paano mo idedeliver ang line mo. Saang mata mahuhulog ang luha mo. Kung gaano kalakas ang itatawa mo.
Ang hirap kasi kapag hindi mo na alam ang gagawin mo sa buhay. Kung saan ba patungo ang biyaheng ito. Ang hirap din kasi ikaw lang ang nakakaintindi sa sarili. Pero ang mas masaklap pa kapag hindi mo na nga alam ang gagawin mo, hindi mo pa kilala ng lubusan ang sarili mo.
Siguro lahat tayo naranasan na ‘to. ‘Yung feeling na para ka ng nasa dead end. Nahaharap ka sa isang pader na alam mong wala ng mayroon sa kabilang banda. No choice ka kasi kailangan mo na naman bumalik para subukan ang ibang daan.
Minsan, hindi lang pala minsan. Madalas naiisip ko pwede na lang ba akong mawala dito sa lugar na ‘to? Gusto kong umalis dito at pumunta sa ibang lugar. Sana makapaglakbay ako. Hahanapin ko ang sarili ko. Baka wala dito sa Pampanga.
“Nawawala ako. Palutang-lutang lang. Bahala na kung saan ako dalhin ng hangin.”
No comments:
Post a Comment